Ang bilis talagang umikot ang panahon… dalawang malalaking pangyayari sa dalawang araw na pagsubaybay sa radio at telebisyon at naging tampulan ng intriga at kritisismo, mapakapwa Pilipino man o sandamukal na dayuhan ang nakakarinig nito.
Sa totoo lang, ang naganap na hostage drama noong nakaraang lunes ay mistulang babala sa lahat ng mga Pilipino na ang ating bansa ay lapitin sa mga karumal dumal na krimen. Tanging opinion ko lang, lagi tayong nangangarap ng maganda at maayos na gobyerno pero kung lagi natin i-aasa sa kanila ang malaking pagbabago at mismong tayong mga mamamayan ay hindi kikilos ng matuwid at tama, walang silbi ang panunungkulan ng ating mga pinuno sa bansang ito.
Ngayon ko masasabi na diskumpyado na ako sa mga pulis natin ngayon. Kung sino pa ang nag-aral sa grabe-grabeng pagsasanay sa mga kampo at krame na ating bansa, sila pa ang may lakas ng loob manghostage. King sino pa ang nag-aral ay nagsanay kung paano solusyonan ang mga hostage drama, sila pa ang tatanga-tangang hindi alam kung paano rumesbak sa ganitong sitwasyon. Kung sino pa ang dapat pagkatiwalaan, yun pa ang namuno at hindi pa marunong mag-areglo sa ganitong klase ng krimen at trahedya.
Ang kasalukuyang pangyayari sa Miss Universe ay pawang nagbahid ng pagkadismaya ng ilan sa mga Pilipino pagkatapos ng Hostage Drama. Malaki ang iniwang marka ni Venus Raj at nakamit ang mumunting tagumpay sa paligsahan ng kagandahan at talino. Ngunit ito rin ay nag-iwan ng marka sa mga Pilipino maging sa ibang dayuhan. Ito ay nagsilbing malaking pagkakamali ni Venus Raj sa buhay niya. Ang rurok ng pagiging pinakamagandang dilag sa buong mundo ay nilapat at nilatag na sa kanyang harapan ngunit sa hindi maayos na pagsagot sa katanungan ng isang hurado, nawala ito na parang bula sa isang iglap lang.
Naging maugong sa lahat ng dyaryo at telebisyon si Venus. Masisisi niyo ba kung ganun lamang ang kanyang makakaya at hindi namalayan na ito ay isang MALAKING pagkakamali para sa iba? Kung ikaw ang nasa posisyon ni Venus, makakayanan mo ang pressure sa entablado?
Kung iisipin mo nga naman, ang tanong na naibato kay Venus ay ang katanungan na kadalasang mariring kung ikaw ay nag-aaply ng isang trabaho. Malamang may nagtanong na rin nito sa’yo. Mahirap sagutin dahil ayaw natin malaman ng iba ang malaking pagkakamaling nagawa. Halimbawa nito ay kung nakipagtalik ka sa isang tao na may na AIDS o kaya naman nagpalaglag ka ng sanggol. Di ba? Gugustuhin mo bang malaman yun ng iba? Marahil hindi.
Makuntento na tayo sa lahat ng pangyayaring ito. Tama na ang paggatong sa isyu. Nakakasawa na… hayaan na natin na naging parte ito ng kasalukuyang administrasyon. Madami na ang nagprotesta, namatay, nagbigay ng kuro-kuro at opinion. Ito ay nakaukit na sa kasaysayan. Ito ay nagsilbing ala-ala, babala at aral sa ating lahat. Ayaw man nating tanggapin pero ang dugong dumadaloy sa ating lahat… ay iisa. Ikaw ay isang Pilipino at dapat mong lasapin ang lahat ng pagkakamaling nagawa ng kapwa mo Pilipino at maging matatag sa lahat ng pagsubok na nagaganap sa ating Inang Bayan! Naks! Nagiging seryoso na ako! Hehe!
No comments:
Post a Comment