Wednesday, September 22, 2010

Ang mga Echoserang Manghuhula...

Minsan na akong nagkaroon ng case study, o sabihin nalang natin na Documentary Film tungkol sa mga di kapani-paniwalang super natural powers gaya ng kulam, gayuma at albularyo. Nasa third year college ako nun at nasubukan kong makipaghalubilo sa mga taong kinatatakutan ng iba dahil may angking kapangyarihan silang taglay. Nung mga panahong iyon, alam ko ang katotohanan na risky at delikado ang pag-cover sa ganitong klase ng paglathala sa telebisyon. Tanging baon ko na lamang ay ang tatag ng loob at effort na gawin ang istoryang hindi ko feel at dahil na rin kay DX Lapid!

Namulat ang aking mata sa katotohanang totoo pala ang mga ganitong pangyayari. Ang mga pulang kandilang sumasayaw ang apoy kahit sarado ang bintana, kulob at walang hangin ang lugar. Ang itim na krus na pagmamay-ari ng isang mangkukulam na kapag hinawakan mo, makakaramdam ka ng hilo. Ang mga halamang gamot na niluluto dahil ang mga ito daw ay sangkap para makabuo ng isang makapangyarihang gayuma at ang di ko malilimutang bungo na kapag kinukuhaan mo ng picture, blurred lahat ang shot. Bungo daw ito ng ninuno nilang mangkukulam. Hindi kapani-paniwala pero makatotohanan pala ang lahat. Hindi ko rin maipaliwang ang sarili kong opinyon pero base sa mga nakita at naramdaman ko, madiin kong sasabihin sa sarili ko na dapat mo nalang paniwalaan ang lahat kahit alam mo na may maliit pang tyansa na maipapaliwanag pa ito ng syensya at agham.

Nung nag-aaral pa ako sa FEU, madalas akong napapadaan sa Recto o kaya naman sa Quiapo. Talamak ang mga manghuhula sa mga lugar na iyon. Iba't ibang klase ng manghuhula ang naglipana gamit ang iba't ibang uri ng materyales gaya ng baraha, tarot cards, bolang kristal, ballpen at papel at pati lumang kahoy na galing pa sa bulubunduking hindi na mapangalanan, di pinalampas. Hindi pumasok sa isip ko na magpaghula nun dahil takot ako na malaman kung ano ba ang kahihinatnan ko in the near future. Takot ako na malaman ang eksaktong oras at araw kung kailan ako mamamatay. Takot din ako na malaman kung maghihirap ba ako o kaya naman magiging embalido dahil sa isang karumal-dumal na aksidente. Ayokong malaman yun lahat dahil lang sa isang manghuhula. At malaki ang pagdududa ko sa kanila. Baka mamaya, ini-echos lang ako.

Minsan ng pumasok sa isip ko na subukan ang makapangyarihang hula ni Carmela, isa sa mga kilalang manghuhula sa Dumaguete. Pero inuunahan ako ng takot at baka pinagtritripan lang ako nito. Hindi na ako nag-atubili pang sumama at ginawang trip trip nalang ang hula ni Carmela dahil sa kagustuhan ng isang kaibigan. Hindi ko na idedetalye ang lahat ng usap-usapan namin tungkol kay Carmela dahil nakakatawa lang!

Hindi sa naniniwala ako o hindi sa mga ganitong trip. Malaki ang paniniwala ko sa Diyos at ipapasaDiyos ko nalang silang lahat. Ang akin lang, ito ay parte ng tradisyon, kultura at normal na may ganitong enerhiya at powers sa mundo. Kung patuloy nating ilulugmok ang ating sarili sa ganitong mga pangyayari, hindi tayo aasenso bilang tao.Mas marami pang bagay ang dapat pagtuonan ng pansin. Tayo ang gumagawa ng landas at direksyon na dapat nating tahakin ng wasto. Kung saka-sakaling puno ng mahika at puro kababaglahan ang gusto mong mangyari, problema mo na yun!

Kung Echos lang o True ang lahat, depende na yun sa tao kung maniniwala ka ba o hindi. Kanya-kanyang tripping lang yan. Nasa sayo na yan kung masasakyan mo ba o hindi.

No comments:

Post a Comment